Tekstong Deskriptibo

ANO ANG TEKSTONG DESKRIPTIBO?

Ang tekstong deskriptibo ay isang pagpapahayag ng impresyon o kakintalang likha ng pandama. Sa pamamagitan ng pang amoy, panlasa, pandinig at pansalat, itinatala ng sumusulat ang paglalarawang mga detalye ng kanyang nararanasan.

Ito ay naglalayong magsaad ng kabuoang larawan ng isang bagay, pangyayari, o kaya naman ay magbigay ng isang konseptong biswal ng mga bagay- bagay, pook, tao, o pangyayari.

PARAAN NG PAGLALARAWAN

Deskriptibo ang isang teksto kung ito ay nagtataglay ng mga impormasyong may kinalaman sa pisikal na katangian ng isang bagay, lugar at maging ng mga katangiang taglay ng isang tao o pangkat ng mga tao, kalimitang tumutugon ito sa tanong na “Ano”.

Batay sa PANDAMAnakita, naamoy, nalasahan, nahawakan, at narinig

Batay sa NARARAMDAMAN –  bugso ng damdamin o personal na saloobin ng naglalarawan

Batay sa OBSERBASYONbatay sa obserbasyon ng mga nangyayari

URI NG PAGLALARAWAN

  1. KARANIWAN

Karaniwan ang paglalarawan kung nagbibigay ng impormasyon ayon sa pangkalahatang pagtingin o pangmalas.

SA KARANIWANG PAGLALARAWAN:

Ang damdamin at opinion ng tagapaglarawan ay hindi dapat isinasama.

Gumagamit lamang ito ng mga tiyak at karaniwang salitang panlarawan at itinala ang mga bagay o ang mga particular na detalye sa payak na paraan.

HALIMBAWA:

Maganda si Mathet. Maamo ang mukha lalo pang pinatingkad ng mamula – mula niyang pisngi. Mahaba ang kanyang buhok na umaabot hanggang sa beywang. Balingkinitan ang kanyang katawan na binagayan naman ng kanyang taas.

  • MASINING

Masining ito kung ito ay nagpapahayag ng isang buhay na larawan batay sa damdamin at pangmalas ng may akda. Karaniwang pili ang mga ginagamit na salita sa paglalarawan, kabilang na ang paggamit ng mga uri, pang abay, tayutay, at idyoma.

SA MASINING NA PAGLALARAWAN

Ang mga detalyeng inihahayag dito ay nakukulayan ng imahinasyon, pananaw at opinyong pansariling tagapagsalaysay.

Mas layunin itong makaantig ng kalooban ng tagapakinig o mambabasa para mahikayat silang makiisa sa naguniguni o sadyang naranasan nitong damdamin sa inilalarawan.

HALIMBAWA:

Muling nagkabuhay si Venus sa katauhan ni Matet. Ang maamo niyang mukha tila anghel ay sadyang kinahuhumalingan ng mga anak ni Adan. Alon- alon ang kanyang buhok na bumagay sa kainggit inggit niyang katawan at taas.

KATANGIAN NG DESKRIPTIBO

Masasabing subhetibo ang paglalarawan kung ang manunulat ay maglalarawan nang napakalinaw at halos madama na ng mambabasa subalit ang paglalarawan ay nakabatay lamang sa kanyang mayamang imahinasyon at hindi nakabatay sa isang katotohanan sa totoong buhay.

Masasabing obhetibo naman ang pagalarawan kung ito ay may pinagbatayang katotohanan. Halimbawa, kung ang lugar na inilalarawan ng isang manunulat ay isa sa magagandang lugar sa bansa na kilala rin ng kanyang mga mambabasa, gagamit pa rin sya ng sarili niyang mga salitang maglalarawan sa lugar subalit hindi sya maaring maglagay ng mga detalyeng hindi taglay ng kanyang mga paksa.

APAT NA MAHALAGANG KASANGKAPAN NA GINAGAMIT SA MALINAW NA PAGLALARAWAN

  1. WIKA

Kung ang isang pintor ay pinsel ang ginagamit upang mailarawan niya ang kagandahan ng kanyang modelo, ang isang manunulat naman ay wika ang ginagamit upang makabuo ng isang malinaw at mabisang paglalarawan. Karaniwang ginagamit dito ang pang uri at pang abay.

  • MAAYOS NA DETALYE

Dapat magkaroon ng masistemang pananaw sa paglalahad ng mga bagay na makatutulong upang mailarawang ganap ng isang tao, bagay, pook, o pangyayari. Kapag maayos ang pagkalahad ng mga detalye, ang mga bumabasa o nakikinig ay nagkakaroon ng pagkakataon na pakilusin ang kanilang imahinasyon upang mailarawan sa isip ang mga bagay bagay na inilalarawan.

  • PANANAW NA PAGLALARAWAN

Maaring magkaiba iba ang paglalarawan ng isang tao, bagay, ppok, o pangyayari salig na rin sa karanasan at saloobin ng taong naglalarawan. Ang isang pook, halimbawa, ay maaring maganda sa isang naglalarawan habang ang isa naman ay hindi kung ito ay nagdulot sakanya ng isang di magandang karanasan.

  • ISANG KABUOAN O IMPRESYON

Dahil ang layunin ng paglalarawan ay makabuo ng malinaw na larawan sa imahinasyon ng mga mambabasa, mahalaga sa isang naglalarawan na mahikayat ang kanyang mga mambabasa o taga pakinig nang sa gayon ay makabuo sila ng impresyon hinggil sa inilalarawan. Dito ay sama- sama na ang bisa ng wika, maayos na paglalahad ng mga detalye, at ang pananaw ng naglalarawan.

TANDAAN

> Isang teksto na dapat tandaan sa pagbuo ng tekstong deskriptibo ay ang relasyon nito sa iba pang uri ng teksto. Ang paglalarawan kasing ginagawa sa tekstong deskriptibo ay laging kabahagi ng iba pang uri ng ng teksto partikular ang tekstong naratibo kung saan kinakailangang ilarawan ang mga tauhan, ang tagpuan, ang damdamin, ang tono ng pagsasalaysay, at iba pa.

Nagagamit din ito sa paglalarawan sa panig na pinaniniwalaan at ipinaglalaban para sa tekstong argumentatibo, gayundin sa mas epektibong pangungumbinsi para sa tekstong persuweysib o paglalahad kung paano mas magagawa o mabubuo ng maayos ang isang bagay para sa tekstong porsidyural.

Upang maging mas mahusay ang pagkakahabi ng tekstong deskriptibo bilang bahagi ng iba pang uri ng teksto o kaya’y maging mas malinaw ang anumang uri ng tekstong susulatin, kinakailangan ang paggamit ng mga cohesive device o kohesyong gramatikal.

Ang mga teksto ay hindi lang basta binubuo ng magkakahiwalay na pangungusap, parirala, o sugnay, bagkus ang mga ito ay binubuo ng magkakaugnay na mga kaisipan kaya’t kinakailangan na ang mga salitang magbibigay ng kohesyon upang higit na lumitaw ang kabuluhan at kahulugan ng bawat bahagi nito.

  • Reperensya
  • Anapora
  • Katapora
  • Substitusyon
  • Ellipsis
  • Pang- ugnay
  • Kohesyong Leksikal

Leave a comment

Design a site like this with WordPress.com
Get started